suntukan na lang tayo!

napapagod na ako sa’yo.

Ang Gusto Ko sa Aking Magiging Asawa Liban sa Dapat ay may Bigote Siya Mayo 20, 2008

Isinalansan sa: kababaihan, salin, tula — gingmaganda @ 9:12 umaga

 

 

 

Una sa lahat,

wag mo nang isiping mag-apply

kung wala ka namang

bigote (

             o maski man lang plano

             na magpatubo

             nito

                   )

may pagkiling din ako sa mga lalaking hindi masyadong

matangkad,

kunwari, 5′8″, o 9″.

Gusto ko ang mga lalaking may malalapad na balikat

and malalaking mga kamay;

wala naman akong kahilingan sa laki ng iyong etits,

pero dapat gusto mo itong gamitin,

at sana lang, sa akin,  sa loob ko lang,

at papayag kang makipagyesyesyo ng madalas

hanggang tayo’y abutin ng 90.

 

At, may isa pa pala.

Gusto ko ng lalaking steady-

Iyong may planong maging asawa ko 

sa loob ng 50 o

60 na taon,

walang kasamang mga sabbatical.

 

Gusto ko ang mga lalaking mahilig sa mga tula,

at ang mga lalaking nagsusulat ay mas lalong nakaka-turn on (maski alam kong

                                                                                                hassle yun

ang totoo’y nakakatakot ang linyang iyan, dapat ‘atang baliktarin na lang:

“ang mga lalaking nagsusulat, nakaka-turn off”)

lalo na’t sila’y magaling.

Gusto ko din ng mga lalaking may ambisyon,

iyong mga lalaking kinukuha ang kanilang tadhana sa kanilang mga palad

at sinusubukang hubugin ito.

 

Gusto ko ng lalaking mekanikal,

iyong pisikal,

mahilig bumuo ng mga bagay,

gamitin ang kanyang mga kamay,

marahil ay atleta,

pero iyong atletang kumikilos ng may angking talino,

na sana’y natutunan niya sa mga libro.

Gusto ko ng lalaking may pananalig sa mga libro.

Ibig sabihin, magkakaroon din siya ng pananalig sa akin.

Isa akong mahaba at maharayang libro.

 

Gusto ko rin na ang aking lalaki’y isang lakwatsero,

ngunit homebody din,

iyong masayang magtratrabaho kasama ko

sa bahay, 

o iyong maligaya ding magpapariwara

at tumingin sa mga bagong bagay 

kasama ko;

iyong nakahanap na ng kanyang susi sa kahulugan ng mundo,

at iyong magbibigay ng susi sa akin sa kahulugan ng kanyang sarili.

 

Gusto ko ng lalaking 

may mabuting asal,

iyong marunong umayon sa mundo,

iyong mahilig sa mga himig,

at iyong may sariling style.

 

Iyong marunong maghanap-buhay,

maski pa malaki naman ang aking maiiaambag;

iyong gusto ng tunay na babae

at ‘yung mamahalin siya

para sa kanyang mga

narating na sa buhay.

 

Isang lalaking nagbabasa.

Isang lalaking mahilig magpinta.

Isang lalaking gustong makipag-usap habang kami’y nakahiga sa kama.

Isang lalaking mahilig sa tag-araw ngunit nabubuhay pa rin sa tag-lamig.

Iyong mahilig hawakan ang aking katawan.

Iyong mahilig humalik.

Iyong nagmamakinilya ng kanyang mga sulat.

 

Iyong umiinom ng Red Horse.

Iyong marunong mag-motorsiklo.

May koleksiyon ng mga libro.

May malaking aso.

‘Yung tatawagin ang pangalan ko sa kanyang pagtulog.

 

Sa totoo lang, isang lalaki pa lang ang nakilala ko na parang ganito;

pero kung sa tingin mo ay pwede ka,

ipadala mo na ang mga application form.

Pero, 

marahil wala kang laban sa unang kandidato.

Ngunit ako naman ay demokratiko 

at nais kong bigyan ang lahat ng pagkakataon.

 

Isama ang larawan ng iyong bigote.

Hindi ko pa natatapos iyong dokumento 

na naglalarawan ng saktong klase ng bigote na gusto ko.

Ngunit mataas ang aking panglasa.

Maniwala ka,

may mga bigoteng 

hindi talaga makakapasa.

 

Kilala ako sa pagiging pihikan.

 

salin ng “What I Want in a Husband Besides a Mustache” ni Diane Wakoski, mula sa aklat na The Motorcycle Betrayal Poems, 1971

 

apat na tula sa pagwawakas ng pag-ibig Pebrero 24, 2008

Isinalansan sa: pag-ibig, salin, tula — gingmaganda @ 8:34 hapon

Elegy

Naglalakad akong nakatingala sa langit
at nadapa’t tumama ang ilong sa sahig.
Ngayon, nagdurugo ang buo kong katawan.
Ang aking mga tuhod, ang hangin, aking mga alaala.
Napunit ang aking palda,
at nawala ko ang aking mga hikaw, ang aking katinuan.

May mahahanap ba sa diwa
na ibang paraan
upang isabuhay ang pagwawakas ng pag-ibig?

Oda sa Pag-Ibig

Sa isang hapong hindi mo malilimutan
darating siya sa iyong bahay at uupo sa hapag-kainan.
Unti-unti, magkakaroon siya ng pwesto sa bawat kwarto,
at sa mga pader at kasangkapa’y mag-iiwan siya ng bakas,
pati ang iyong kama’y kanyang guguluhin, at gagawa ang ulo niya ng uka sa iyong unan.
Ang mga libro sa lalagyan, ang mahahalagang pakiramdam ng mga taon
ay magkakaroon ng bagong sisidlan ayon sa kanyang panlasa,
at ang mga lumang larawan, malilipat mula dito papunta doon.
Titingnan ng ibang mga mata ang iyong mga gawain,
ang iyong pagparoo’t parito sa pagitan ng mga dingding at yakap,
at ang pang-araw araw na ingay at amoy ay mag-iiba.
Sa isa sa mga hapong ito na ‘di mo malilumutan
siya na gumulo sa iyong bahay at tumira sa iyong mga bagay-bagay
ay lalabas sa pintuan nang hindi man lamang nagpapaalam.
At kailangan mo na naman ayusin ang iyong bahay,
ibabalik ang mga kasangkapan sa dating ayos, lilinisin ang mga pader,
papalitan ang susian, pupunitin ang mga bagong larawan,
wawalisin ang lahat para lamang maipagpatuloy ang sarili mong buhay.

Dasal

Wala nang bukang-liwayway o pamahiin,
wala nang liwanag, wala nang trabaho, wala nang mga dagli.
Lupa lamang, lupa sa mata,
lupa sa gitna ng bibig at ng mga tainga;
lupa sa dinurog na dibdib;
lupa sa loob ng natuyong simura;
lupang idiniin sa ilalim ng likuran,
bumabagtas sa nakapinid na mga binti, lupa;
lupa sa pagitan ng mga kamay na nakadantay doon.
Lupa at pagkalimot.

Kung ikaw ay madulas

Kung madulas pa ulit ang iyong paa,
puputulin na ito.

Kung dadalhin ka ng iyong kamay
tungo sa ibang landas,
mabubulok ito.

Kung kukunin mo ang iyong buhay mula sa akin
mamamatay ka
maski patuloy ka pang nabubuhay.

Magpapatuloy kang patay o nagmumulto,
naglalakad nang hindi ako kasama sa mundo.

syempre dapat lahat ng salin may tema, ahehehe.

salin ng “Elegy”, “Ode to Love” at “Prayer” ni Maria Mercedes Carranza at “The Slip” ni Pablo Neruda

 

tatlong tula ni neruda Nobyembre 7, 2007

Isinalansan sa: pag-ibig, salin, tula — gingmaganda @ 8:29 hapon

Ang Iyong mga Paa

Kapag tinitignan ko ang iyong mukha,
tinitignan ko rin ang iyong mga paa.
Ang iyong mga paa ng pakurbang buto,
ang iyong mga paang maliliit at matigas.
Alam kong dinadala ka nila,
at ang iyong matamis na bigat
ay umaalsa sa kanila.
Ang iyong baywang, ang iyong mga suso,
ang tingkad ng kulay-ube
ng iyong mga utong,
at ang mga butas ng iyong mga matang
kakalipad lamang kanina lang,
ang malapad mong prutas na bibig,
ang pula mong buhok,
aking munting tore.
Ngunit mahal ko ang iyong mga paa
sa dahilang lumakad sila
sa balat ng lupa, at sa ihip
ng hangin, at sa mga katawang-tubig,
hanggang ako’y matagpuan nila.

Hanap ko ang iyong bibig, ang iyong tinig, ang samyo ng iyong buhok

HUWAG KANG LALAYO, MASKI LAMANG ISANG ARAW
Huwag kang lalayo, maski lamang isang araw, sapagkat—
sapagkat—hindi ko alam kung paano ko ito sasabihin: mahaba ang isang araw
at aantayin kita, sa isang istasyong walang laman
at nakaparada ang mga tren sa ibang lugar, humihimlay.

Huwag mo akong iwan, maski isang oras lamang, sapagkat
ang mga maliliit na patak ng hinagpis ay magsasama-sama,
ang usok na naghahanap ng mauuwian ay lulutang
patungo sa akin, at sasakalin ang aking ligaw na puso.

Ah, nawa’y hindi kumupas ang iyong anino sa dalampasigan;
at ang iyong mga talukap ay huwag sanang kumurap sa malayong kawalan.
Huwag mo akong iwan, maski lamang isang sandali, aking pinakasinisinta,

Sapagkat sa sandaling ika’y makalayo na
ako’y paliko-likong magpapalaboy sa mundo, nagsusumamo,
Babalik ka pa ba? Iiwan mo na lang ba ako dito, namamatay?

Lasing na Lasing

Lasing na lasing sa masangsang na langis
Ng iyong mga bukas na halik,
Ang iyong basang katawan sa pagitan
Ng aking basang katawan at sa mga palikpik
Ng ating bangkang gawa sa mga bulaklak,
Nagpapakasaya, inaaalalayan natin- ang ating mga daliri
Tila mga kandilang pinarikit ng ginintuang bakal-
Sa ibabaw ng mainit na bukana ng langit,
Ang huling hininga ng araw sa ating mga layag.

Hawak ng araw sa pagitan ng tag-araw
At taglamig, bangag at magkasalikop na magkasama’y
Nagpalutang-lutang tayo ng ilang buwan at nagising
Sa mapait na lasa ng lupa sa ating mga labi,
May lagkit ang mga talukap ng mga mata at nasasabik sa apog,
At sa tunog ng tali
na nagbababa ng timba patungo sa kanyang balon. At pagkatapos,
bumiyahe tayo ng gabi patungo sa Mapalad na mga Isla,
At humimlay kagaya ng mga isda
Nakukumutan ng lambat ng ating mga halik.

salin ng “Your Feet”, “I Crave Your Mouth, Your Voice, Your Hair” at “Drunk as Drunk” ni Pablo Neruda