suntukan na lang tayo!

napapagod na ako sa’yo.

sa hinimay mong alimasag para sa akin Disyembre 12, 2007

Isinalansan sa: pag-ibig, pagkain, tula — gingmaganda @ 8:36 hapon

kung sa ganitong paraan ko lamang
matitikman ang iyong ikaw-
ang langis mula sa dulo ng iyong
mga daliri, ng iyong palad, ang iyong
mga fingerprints na nilusaw ng mantika
ng aligue, ang DNA mula sa iyong
skin cells-

taimtim kong nanamnamin
ang bawat hibla ng laman,
upang maski sa aking tiyan,
makapagsama naman tayo maski
minsan lang, maski ngayon lang.

 

may busog na bakang walang pakialam Oktubre 16, 2007

Isinalansan sa: lipunan, pagkain, tula — gingmaganda @ 8:42 hapon

may busog na bakang
walang pakialam
sa dalawang buto’t
balat na batang
nag-aagawan
sa butil ng mais
na nakabaon sa
sariwa niyang tae
na kasalukuyang
naglalabas ng
methane gas
na sikretong lumalason
sa malasariwang hangin
na nilalanghap
ng kabit ng diktador
na nanonood
ng James Bond
sa kanyang
private home theater
na sa sobrang pagkamangha
ay nakatabig at nakatapon
ng isang bowl ng popcorn
sa makintab na sahig.

 

sa kaunaunahang pagkakataon, ipinagluto ka ng mister mo Agosto 22, 2007

Isinalansan sa: kababaihan, pagkain, tula — gingmaganda @ 8:38 hapon

alas siyete kagabi,
pag-uwi mo galing trabaho,
masayang ihinain sa iyo
ng machong mister mo
ang kanyang obra maestra:
pinikpikang manok.

ininda daw niya ang
walang tigil na pagputak
habang pulido niyang
minartilyo ang bawat
bahagi ng katawan
sa matibay na sangkalan-

kailangan daw ito
upang mapalambot
ang laman at sumarap
ang iyong ulam-
‘di na daw niya pinansin
ang lansa ng laman.

namnamin mong maigi
ang iyong hapunan-
sadyang iba ang bagsak
sa dila’t lalamunan
kapag may bahid ng dugo
ang kinakaing laman.

alas siyete, kahapon,
bago ako pumasok sa trabaho,
nanggaling ang mister mo
sa inuupahang bahay ko:
hinalikan niya ako sa bibig
at hiniram ang aking martilyo.