naisip ko lang, kung mahal mo ngang tunay ang tao, hindi mo siya lolokohin. hindi mo sasabihin na papasok ka sa trabaho pero sa iba ka pupunta. hindi mo siya tatabihan sa pagtulog sa gabi habang ibang tao ang iniisip mo, at, ibang tao ang gusto mong kasamang magising pagdating ng umaga. hindi mo rin siya ipagluluto ng agahan, habang sinasabi mo sa iyong sarili: ibang tao ang gusto ko ipagluto ng agahan. hindi siya. hindi ka sasagot sa mga text niya sa pagitan ng mga bakanteng minuto ng iyong buhay at sasabihing, “mag-isa lang ako, papunta na, pauwi na.”. at hindi ka rin magsasabing “ikaw lang”, kahit alam mo namang may iba. at alam din niya. at alam ng maraming ibang taong kaibigan at kakilala niyo.
naisip ko lang, kung mahal mo ang bayan mo, hindi mo rin ito lolokohin. hindi mo hahadlangan ang katotohanan, ilalatag mo ang lahat-lahat sa hapag-kainan upang pagsaluhan ng mga mamamayan. hindi mo ito nanakawan ng oras, panahon, o pondo, hindi ka manlilinlang. gagawin mo ang lahat para sa ikabubuti nito, hindi sa ikakasira nito.
naisip ko lang din, na kaya natin ginagawa ang mga ginagawa natin, ay dahil naduduwag tayo. natatakot tayo sa kung ano ang tunay at totoo. napanood kita sa TV kanina, parang ipit na ipit ka na sa upuan mo, parang iniisip mo, ano bang nagawa kong kasalanan sa mga past life ko para malagay ako sa hindot na situwasyong ito? parang asar na asar ka na sa mga taong nagbigay sa’yo ng bungi-bunging script para sa lekat na hearing mo sa senado, at yamot na yamot na sa sarili mo dahil bukod sa pinagmumukha kang tanga nung ibang senador dahil mahina ang mga argumento mo, ang pinakanakakainis ay ‘di mo magawang humarap sa katotohanan at umamin, umamin sa lahat ng kabuktutan na iyong nasaksihan, sa kabuktutang iyong pinagtatakpan. napakahirap talagang maging sunod-sunuran.
ps. baka pwede penge din ako 500 thousand!
