dahil may 1 ngayon. mabuhay ang mga manggagawa!
dumating na yung tito at tita ko galing sa qatar. unang nagtrabaho dun ang tito ko dati pa pero nagkaroon ng sakit sa puso at natriple bypass kaya kailangan sumunod ng tita ko para alagaan siya. nagtratrabaho na si tita ngayon sa canteen ng US Air Force Base sa Qatar, bilang ice cream server. enjoy na enjoy siya sa trabaho niya. after decades of being a stay-at-home mum (well naging kahera naman siya ng juetengan sa abra pero mas enjoy siya dito ngayon dahil labs na labs siya ng mga kano) ay tuwang-tuwa ako sa kanya pag kinekwento niya yung mga ginagawa niya sa trabaho. ang cute din ng mga litrato niya sa canteen. mukhang happy na happy at di tumanda.
sabi niya, dati daw nasa ibang canteen siya sa loob ng base kaso inilipat daw siya sa air force kasi nanuntok siya ng katrabaho niyang babae dun sa canteen. nagkabadtripan daw sila. nasuspend siya ng ilang araw tapos inilipat sa ice cream station sa kabilang canteen. kaya mas gumaan ang buhay niya. ang dami din daw niyang excellence awards. kaso di nga daw siya ma-awardan ng model employee kasi nga nanuntok siya ng katrabaho, haha. pero aliw na aliw talaga ako sa tita ko kasi feel na feel na talaga na empowered na empowered siya in her own little world dun sa base. yung sweldo na niya ang pinadadala niya sa probinsiya para pantustos sa mga pinsan ko. natutuwa siya sa responsibility at sa halaga ng kanyang mga efforts. pero sabi niya minsan nakakapagod din naman talaga, lalo ngayon na malamig dun. mga alas tres daw ng umaga siya gigising, susunduin ng shuttle ng mga 4am, tapos gabi na daw nakakauwi. pag daw pagod na siya sa trabaho, hindi na daw niya nilalabas yung Cookies and Cream dun sa serving area- paborito daw kasi yun ng mga kano, eh kung may ganun, mapapagod daw siya kakascoop forever.
sabi ng tita ko, na asawa niya, na dating tibak, narito na naman daw ang irony ng buhay ng mga pinoy sa qatar. yung mga pinoy daw dun sa qatar, gustong gusto magtrabaho sa base para sana makapag-asawa ng puti. tinitingnan ko yung mga litrato ng mga tita ko kasama yung mga kanong sundalo, ang gagwapo, puro tisoy, ang kikisig, ang lalaki ng katawan. mens in uniform! mahirap iwasang hindi mangarap na ang mga live na GI Joe na ito ang sasagip sa kapalaran mo- ang magdadala sa’yo sa mas magandang buhay, ang tutustos sa mga pinapaaral mong kamag-anak sa pilipinas, magpapadala ng pambili ng gamot ng tatay mong maysakit, ang magmamahal sa’yo ng walang kondisyon panghabang-buhay.
kapag sa base ka dun nagtratrabaho, mas mataas daw tingin sa’yo dun, kumpara kung DH ka lang. iyon na naman ang bagong pangarap ng mga pinay dun. parang sweepstakes siguro, baka sakaling bumuti ang kapalaran kapag sa base nakapagtrabaho, flashback ng Top Gun at ang leading man na kamukha ni tom cruise. pero kadalasan daw gegerlprenin lang sila dun tapos pagbalik sa merika, iiwanan naman din sila. sagana din daw sila ng pagkain sa base. maski di naman daw kataasan ang sweldo at least nakakakuha sila ng libreng pagkain na stateside. andami nga namin chocolate sa ref ngayon e, courtesy of uncle sam.
nung naghahagikgikan kami tungkol dun sa suntukan incident, sabi ko, “ayy! ako rin nanuntok ng kaklase, hahah! nagbati naman kami pero ngayon di na kami ulit nag-uusap, hehe, nagalit kasi sa akin.” sabi ng tatay ko, eh mga suntukero pala kayo! sabi naman ng tito ko, “nakabuti naman yung panununtok niya kasi nalipat siya sa mas masayang trabaho.” tapos tawa na naman kami ng tawa. yung isa ko ngang tita dati, nung high school graduation niya, sa asar niya na hindi si lolo yung umakyat sa stage, sinuntok niya yung tiyan ng isa ko pang tita- na kasalukuyang anim na buwang buntis. hahaha. maski nanay ko pag asar na asar sa tatay ko bigla na lang nanununtok. sabi nga nung isang kaibigan ko sa capiz, “jusko ging, ang tatapang niyo pala.”
kanina, pinuntahan pala kami ng barangay tanod sa bahay. nanabunot kasi yung kasama namin sa bahay ng kapitbahay. in fairness puro kalmot din yung ate namin. pumunta sila ni nanay sa barangay hall para makipag-usap at makipag-ayos dun sa kapitbahay na nagreklamo. maayos naman daw ang nangyari dun sabi ng nanay ko. pero nung sinabi niyang taga-abra kami eh medyo napa-atras daw yung mga tanod. natawa ang nanay ko nung kinekwento niya sa akin yun nung pag-uwi niya dito sa bahay. sabi niya, “pwede na pala ipagmalaki na taga-abra ka ngayon?” sabi ko, “kakatakutan ka ng mga tao? feeling nila lahat ng tao sa abra may baril at walang-habas magpatumba ng kahit sino? haha!” natatawa ako sa ganitong notoriety pero minsang andun ako nakasahan din ako ng baril ng goons nung isang politiko. sabi ko dun sa goons, may ate ako sa Gabriela, ‘wag niya akong simulan, siya rin ang mahihirapan.
pero maski may mga baril ang mga pinsan ko, yung mga babae sa pamilya namin, di na kailangan ng baril. pag di nadaan sa bungangaan, ayan ang kamay, nagiging kamao, at bahala na kung ano’ng tamaan.