pyesang isinulat ukol sa pagbisita sa Lila Filipina, para sa klase sa pag-e-MA sa UP Diliman
Lumaki ako sa mga kuwento ng lola’t nanay ko noong unang panahon, panahon ng Hapon: dumating ang mga Hapon sa Bangued, Abra, dala ang kanilang mga bayoneta at kanilang mga “kura, kura, banzai nippon!” habang bitbit ang maduduming labada. Siguro’y nga’y mahirap maging sundalo sa panahon ng digmaan. Maruming trabaho rin ang manglusob ng mga nananahimik na baryo, ang magpaka-evil, at ang kalimutang tao ka palang may puso at kaluluwa.
Ang kuwento lang kasi ng nanay ko, ang tanging nangyari lang sa nanay niya noong panahon ng Hapon ay naging labandera siya ng isang mabait na sundalong Hapon. In-imagine ko pa ngang kamukha ng sundalo si Shaider, pulis pangkalawalan. Mabait at makisig, nga lang, may mantsa ang mga damit.
Kadalasan daw ay dadating ang sundalong Hapon sa bahay nila at magpapalaba ng damit. Habang nilalabhan ng lola ko ang mga damit ay iuugoy ng sundalong Hapon ang duyan ng uncle ko. Barter ng service. Ipaglaba mo ako’t aalagaan ko ang anak mo. Minsan pa’y dadalan pa sila ng pagkain at kung ano-ano. Yun lang.
Kahapon, nakilala ko si Lola Narcisa, comfort woman daw ng mga sundalong Hapon noong panahon ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Kung bakit nagulantang ako sa pagkakaalam na taga-Abra rin si Lola Narcisa, at biktima ng kalapastanganan ng mga Hapon. Pakiramdam ko’y nalinlang ang isang bahagi ng aking kamalayan at tagilid ang pagkakaunawa ko sa sarili kong kasaysayan. Sapok sa aking pag-iisip na malaman na sa parehong probinsiyang kinatandaan ng lola ko at kinalakhan ng nanay ko ay may malagim palang pangyayaring inabot pa ng 26 na taon bago makarating sa akin ang balita.
Tiniente del Baryo daw ang tatay ni Lola Narcisa, at pinagbintangan na nagtatago ng guerilla. Sinugod daw ng mga Hapon ang kanilang bahay, kinuha ang kanyang tatay at itinali sa haligi ng kanilang bahay. Hinahanap sa kanya ang nawawalang guerilla. Wika ng tatay ay walang nagtatago doon; at wala naman talaga. Pero mapilit ang mga sundalo, at gamit ang kanilang mga bayoneta ay hinagupit ang tiniente hanggang sa mabalatan ang kanyang katawan . Humiyaw ang kanyang nanay sa nakitang karahasan, ngunit nauwi lang ang pag-almang ito sa kanyang pagkakagahasa. Pagkatapos ay nironda na silang mga magkakapatid na babae, dinala sa garrison, pinapaligo’t pinagbihis. At saka nasimulan ang mahabang paglalakbay patungo sa panghabang-buhay na trauma’t pagdurusa.
Thirteen years old pa lang si Lola Narcisa noon nang napakilala sa kanya ng tadhana ang lupit ng pag-iral sa mundo. Sa umaga’y pinaglalaba sila, pinagwawalis, ginawang mga katulong sa garrison. Sa gabi’y pipilahan ng kung sinong mga sundalo upang gawing parausan at pahingahan pagkatapos ng isang mahabang maghapon ng pagpapakasama’t pagpapakademonyo sa bansang pilit nilang inaangkin. Sa mga araw na ibig ng mga sundalong maghanap ng makakain, isasama nila ang mga comfort women sa kanilang mga lakad. Maghapon silang naglalakad sa mainit na buhangin, ni wala man lang tsinelas panlaban sa anghang ng init ng nilalakaran na lupa. Nawalan na sila ng pakiramdam sa paa. Tuhod na lang daw ang gumagalaw upang dalhin ang bugbog nilang katawan patungo sa kung saan man.
Iniisip ko kung anong klaseng impyerno ang kinahulugan ng puso’t isipan ni Lola sa mga oras, araw, at mga buwan na iyon. Hindi ko rin maisip kung gaano kasakit. Pero tinitignan ko ang kanyang mukha, ang luha na di maubos-ubos mula sa kanyang mga mata, ay marahil maski kailan ay di ko maiintindihan kung gaano katindi ang karahasan na iyon sa kanyang diwa. At marahil, ayaw ko na rin malaman. Nakakapagod pihado ang umiyak araw-araw, sa maraming dekada, habang minumulto ka ng mga alaalang mas maigi na lamang makalimutan.
Nabaliw ang kapatid ni Lola Narcisa, at sa isang banda, marahil, mas suwerte pa siya dahil nagawa niyang takasan ang katotohanan ng sinapit nilang kapalaran. Mas kawawa ang mga naiwan, naiwan sa lebel ng pagsisid at paglutang at pagkalunod sa mga mantsang alaalang kung puwede lang ipabura gamit ang modernong siyensiya ng Tide Ultra ay sana dati pang ipinagawa.
Ngunit patuloy ang pag-inog ng mundo at ang buhay ay nagpapatuloy din. Makalipas ang maraming dekada ay pilit pa ring iwinawaksi ni Lola Narcisa ang pait ng mga gunita sa kanyang panlasa. Kung sana’y ang pait ay galing sa gamot na nakakapagpagaling ng mga sakit ng katawan ay makakangiti na sana siya. Ngunit ang pait na ito ay galing sa lason na kumain sa kanyang buong pagkatao’t kasaysayan. At kung sana’y matuto man ang mga Hapon sa kanilang mga pagkakamali, kung sana’y humingi ng paumanhin para sa ginawang mga pagkakasala, kung sana’y umamin sa kanilang mga pagkakamali ilang dekada na ang nakaraan, baso ng malamig na tubig sana ito sa kanilang lalamunan, upang maiwaksi ang pait, at maibsan ang uhaw sa kanilang katawan, hustisya kumbaga, hustisya para sa amin na inyong mga ginahasa.
Pero patuloy pa rin ang bagsik. Naturingan pa silang sinungaling. Sino ba naman ang mag-iimbento ng ganitong klaseng kuwento? Maski si Kris Aquino at ang kanyang STD ay walang sinabi sa horror na ito. Mas nanaisin pa nila Lola ng tahimik na buhay, at hindi iyong hanggang kamataya’y puno ng sigalot at pakikipagtunggali. Ngunit may dapat ipaglaban, hindi lamang ang laban para sa kanilang sarili kundi para na rin sa inang bayan. Hindi lamang tao ang mga ginagahasa, hindi lamang mga baryo ang nakaranas ng dahas, mga piraso lamang ito ng malaking jigsaw puzzle ng kasaysayan ng kababaihan at ng bayan.