nung isang taon sabay nating pinanood
ang pagguhit ng mga kwitis sa langit
nang tumanda ng isa pang taon
itong lupang ating ipinaglalaban.
laman ka ng diyaryo nung isang buwan.
ibang klaseng kwitis ang gumuhit sa langit
at ikaw daw ang nagsindi ng mga ito.
malayo ka na sa akin nang bumagsak isa-isa
ang mga ginulat mong sundalo
sa kulay-pulang lupa.
kumukutitap na naman ang mga ilaw
sa aming maningning na bakuran,
hudyat na paparating na naman
ang makukulay na kwitis sa dilim ng kalangitan.
ngunit ngayon, mag-isa na lamang ako,
‘di gaya ng dati nung tayo’y magkatabi,
tahimik na nakatanghod sa langit,
nag-aabang ng mahuhulog na bituin-
nagbabakasakaling pwede namang humiling
makabalik ka pa sana, kuya, sa amin.