condo living

Photobucket

“tumira” ako ng ilang araw dito nung nakaraang buwan. natuto akong maglakad sa mahahabang pasilyo papunta sa aking “bahay” at ma-claustro sa pagsakay ng elevator at pagbaba ng hagdan na senyorita ang mga hakbang, bukod sa ma-claustro sa mismong “bahay”- onting talon lang at maaabot ko na ang kisame, hindi kasya ang pwet at tuhod ko sa banyo at kapag may mga bisita sa bahay, nauubusan na kami ng upuan kaya sa sahig na lang ako sumasalampak, yakap ang bote ko ng beer. wala rin tv at wifi sa unit kaya nililibang ko na lang ang aking sarili sa plants vs zombies. sanay ako sa bahay na maraming kwarto, mataas ang kisame, maraming bintana, mahangin, at may sariling garahe bukod sa may kusinang puno ng gamit at mga libro saan mo man ibaling ang iyong paningin. at yung tv! namiss ko manood ng paborito kong CSI.

kapag nagluluto ka mangangamoy ang buong unit ng pinakbet, pritong tuyo, sinigang at kung anuman. makukulob kayong lahat sa kung anong ulam niyo sa araw na iyon. kailangan mo pang mag-elevator para makarating sa itaas ng building para isampay ang iyong mga labada sa loob ng isang hawla na may kandado. tuwing may bibisita sa’yo, kailangan mo sunduin sa labas at unahan ang guard para hindi na sila harangin. sa mga unang araw mo nang pagtira doon, kailangang hindi mo makalimutan ang pinakamatamis mong ngiti para sa mga bantay ng guardhouse- una’y para maalala ka nila at ang iyong auto, at ikalawa’y para hindi ka na hingan ng ID kada uuwi ka sa iyong bahay. masyadong maproseso pero para daw ito sa seguridad ng lahat.

sa gabi, ilalabas mo ang iyong basura. sa labas ng building niyo, may malalaking dumpster na nakalabel ng “nabubulok”, “di-nabubulok” at saka “food waste” ata yung isa. ishoot ang nararapat sa kung saan at kokolektahin ito ng pasig garbage sa hatinggabi. marami din palang lamok sa komunidad na ito kaya minsan na galing kami sa pool ay nagulat na lang kami at puno ng usok ang pasilyo kung saan naroon ang elevator. akala ko nung una ay may sunog, yun pala, may fumigation lang. bago matulog, kailangan munang magpahid ng off lotion.

ang kwento sa akin ng may-ari ng tinirhan kong unit, madami daw bayarin ang isang taong nakatira sa condo. may garbage fee, security fee, maintenance fee, at kung ano ano pang fee bukod sa tubig, ilaw, atbp. para sa ilang metro kwadradong sukat ng espasyo e katakot-takot na bayarin ang kailangan mo sagupain. kung gusto mo ng sariling parking space, bibilhin mo rin ito sa mahigit 100 daang libong piso. ano nama’t bentahan ka ng bahay na walang sariling garahe? talo ang kasusyalan!

sa mga pampleta at patalastas sa mga susyal na magazine, ang ganda ng marketing ng mga ganitong klaseng tirahan. kesyo susyal ang tumira sa condo. kesyo mukha kang mayaman. kesyo resort-type ang amenities- may gym, may swimming pool, may clubhouse, may susyal na palaruan para sa mga bata, may security guard na magbabantay 24 oras kada araw. ang gaganda ng furnishings ng bawat unit, akala mo’y lahat ng tumitira sa condo, may kakambal na interior designer kaya’t paglipat sa sariling unit pwede nang lumabas sa magasin ang bahay mo. di bale na’t mala-matchbox lang sa laki ang “susyal” mong bahay. ang importante’y nakatira ka sa condo at hindi sa kung saang kalye lang sa kung saang lungsod.

admittedly, may mga condo rin naman na hindi ga-kahon ng posporo ang laki (o liit). pero iyong mga kadalasang binebenta ngayon at tinatarget ang mga working class yuppies ay iyong halos kamukha lang ng unit na tinirhan ko. pivot to the left, sala. pivot to the right, bedroom, pivot kaunti, kusina at dining. kasya lang sa dalawa o isang tao at siguro’y maliit na sanggol na: 1.) hindi mahilig magluto, magbasa, mag-ipon ng maraming abubot 2.) hindi masyadong nagpaparty sa sariling bahay (sa clubhouse na lang gagawin, magbayad na lang ng renta sa espasyo) 3.) walang mga kamag-anak mula sa probinsiya na maya’t maya’y nakikituloy kung may aasikasihun sa lungsod 4.) ang average height lamang ay nasa maximum ng 5 feet. kung lalampas ka na dito, magiging giant ka na sa sarili mong bahay.

hindi naman sa inaapi ko ang mga nakatira sa condo. ang inaapi ko lang dito ay ang konsepto ng pagmamarket ng pagtira sa condo. lilinlangin ng mga real-estate developers na ito ang mga tao na tumira sa isang maliit na piraso ng espasyo (at hindi lamang ito usapin ng area ng floor space kundi usapin na rin ng volume ng cubic meters ng maaaring tirhan ng isang tao o pamilya) na hindi na maaaring palakihin at walang kasamang lupa (di gaya ng sa mga subdivisions kung saan pwede mag-extend ng bahay palapad o paakyat) para sabihin sa iyo na ito ang susyal na paraan nang pamumuhay. napansin niyo bang karamihan ng mga patalastas sa condo, naka-semi formal ang mga suot ng mga taong naglalako nito? naka-long sleeves si john lloyd, naka-cocktail dress si marianne-darna-dyesebel at kadalasan, may shot ng poolside kung saan may naglalaptop habang nakaupo sa lounge chair habang may babaeng nakatwo-piece na lumalangoy sa tubig. ang cliche pero ito ba ang buhay na gusto natin? iyong nakasadlak ka sa isang relaxed na set-up kagaya ng swimming pool pero sa computer ka pa rin haharap dahil nagtratrabaho/nagfe-facebook ka? hindi ka ba naman bale at psychotic para sa ganitong mga gawain. may pagkakataon nang magpahinga at makipagkapwa tao ay pipiliin mo pa ring humarap sa monitor ng computer. nyek.

pero ito, kaya ko lang naman isinusulat ang entri na ito ay dahil ang paborito kong gawin nung “nakatira” ako dito ay lumangoy sa mga swimming pool. yang mahabang swimming pool sa bandang ibaba ng litrato? nakakailang laps din ako diyan kasabay ng ibang mga lalakeng seryoso sa kanilang swimming career. anyway, isang hapon suot ang aking bonggang speedo e may namataan akong isang lalake sa kabilang lane na panay ang tingin sa akin. una’y inisip ko’y baka kakilala ko ang mama dahil hawig niya iyong isang kaibigan kong mahilig magrally pero parang ang absurd naman na magkita kami sa isang condo lap pool. pero ay grabe! kung makatitig siya sa akin, akala mo’y nakakita siya ng maganda. nang lumipat ako sa kabilang pool (yung mga bilog-bilog sa gitnang bahagi) para samahan si kaloy, dumaan muna ako sa lounge chair kung saan iniwan ko ang mga tuwalya namin. ilang minuto pa nakita ko na siyang nakatambay sa katabing lounge chair, mukhang nagmemeditate habang nagpapatulo ng shorts para hindi siya tutulo-tulo pagbalik sa unit niya. hindi ko naman naisip na creepy siya o baka klepto dahil wala naman siyang ganoong aura pero ano ba itong mamang ito, bakit ba sunod nang sunod, nood nang nood? may kras ba sa akin ito? tuma-timing ba para makipagkilala? gusto rin ba niya na nasa litrato kami habang naglalaptop siya sa lounge chair habang lumalangoy ako sa swimming pool? putrages ang ganda ng mga mata ng hangal. ang lalim, parang marunong mag-isip.

kikiligin na sana ako nang bongga (dahil in furness e gwapo ang mama, huh) tapos bigla kong naisip, shet baka walang crush sa’kin ang gagong ito, baka sinu-surveillance pala ako! hindi nga lang siguro siya masyadong magaling at saksakan ng obvious, pero malay ko ba, baka iba ang style niya- baka may seduction component ang SOP niya at ganito ang pamamaraan niya sa pagmanman- malay ko ba talaga- pero buti na lang at naka-contact lens ako nung araw na yon kaya medyo discreetly ay binabantayan ko rin kung anong inaatupag niya. baka kako nagtetext o may camera o ano. wala naman. tuwalya lang at basang shorts at yung intense look sa mukha niya, parang mas malalim pa sa tubig ng swimming pool ang iniisip.

at saka ko lang naalala ulit kung bakit ako “nakatira” sa condo na iyon ng ilang araw. iyon ay hindi para magswimming. iyon ay para magtago.

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Palitan )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Palitan )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Palitan )

Connecting to %s