suntukan na lang tayo!

napapagod na ako sa’yo.

sa babaeng kita ang panty Pebrero 29, 2008

Isinalansan sa: anti-gma, kababaihan — gingmaganda @ 2:58 hapon

Photo Sharing and Video Hosting at Photobucket

naiinggit ako sa’yo
sapagkat kayang-kaya mong
ipakita ang maski ano,
maski iyong dapat itago.

samantalang ako,

sasabog na ang dibdib
at ang lahat-lahat ng
bahagi ng aking katawang
dinadaluyan ng aking
malapot na dugo,

pilit ko pa ring dinadamitan
ang mga bagay-bagay.

maski sumambulat
na sa lahat
ang hubad na hubad
na katotohanan.

 

naisip ko lang, manny gaite Pebrero 26, 2008

Isinalansan sa: pag-ibig, wag kang kurapt — gingmaganda @ 2:35 hapon

naisip ko lang, kung mahal mo ngang tunay ang tao, hindi mo siya lolokohin. hindi mo sasabihin na papasok ka sa trabaho pero sa iba ka pupunta. hindi mo siya tatabihan sa pagtulog sa gabi habang ibang tao ang iniisip mo, at, ibang tao ang gusto mong kasamang magising pagdating ng umaga. hindi mo rin siya ipagluluto ng agahan, habang sinasabi mo sa iyong sarili: ibang tao ang gusto ko ipagluto ng agahan. hindi siya. hindi ka sasagot sa mga text niya sa pagitan ng mga bakanteng minuto ng iyong buhay at sasabihing, “mag-isa lang ako, papunta na, pauwi na.”. at hindi ka rin magsasabing “ikaw lang”, kahit alam mo namang may iba. at alam din niya. at alam ng maraming ibang taong kaibigan at kakilala niyo.

naisip ko lang, kung mahal mo ang bayan mo, hindi mo rin ito lolokohin. hindi mo hahadlangan ang katotohanan, ilalatag mo ang lahat-lahat sa hapag-kainan upang pagsaluhan ng mga mamamayan. hindi mo ito nanakawan ng oras, panahon, o pondo, hindi ka manlilinlang. gagawin mo ang lahat para sa ikabubuti nito, hindi sa ikakasira nito.

naisip ko lang din, na kaya natin ginagawa ang mga ginagawa natin, ay dahil naduduwag tayo. natatakot tayo sa kung ano ang tunay at totoo. napanood kita sa TV kanina, parang ipit na ipit ka na sa upuan mo, parang iniisip mo, ano bang nagawa kong kasalanan sa mga past life ko para malagay ako sa hindot na situwasyong ito? parang asar na asar ka na sa mga taong nagbigay sa’yo ng bungi-bunging script para sa lekat na hearing mo sa senado, at yamot na yamot na sa sarili mo dahil bukod sa pinagmumukha kang tanga nung ibang senador dahil mahina ang mga argumento mo, ang pinakanakakainis ay ‘di mo magawang humarap sa katotohanan at umamin, umamin sa lahat ng kabuktutan na iyong nasaksihan, sa kabuktutang iyong pinagtatakpan. napakahirap talagang maging sunod-sunuran.

ps. baka pwede penge din ako 500 thousand!

 

kagabi, sa malakanyang Pebrero 26, 2008

Isinalansan sa: anti-gma — gingmaganda @ 2:33 hapon

gma: punyeta! hearing na ni manny bukas, ano sasabihin niya dun sa mga bwiset na senador na yun?

fg: kailangan natin mag-isip ng kwento…

gma: wat if..

abalos: kunwari nagtext si jun sa kanya..

fg: oo ganun…

gma: na humihingi ng pang-shopping sa hongkong..

abugado: ma’am di pwede yang ganyan, flimsy po.

gma: punyeta ka, tinanong ko ba opinyon mo?!?!

abugado: sorry po, madam president…

abalos: oo…tapos.. sabihin natin..

fg: tinutulungan lang siya ni manny…

gma: eh paanong ang laking tulong ng 500 tawsand?!?

fg: dapat…

abalos: 40 mil lang sahod ni gaite sa gobyerno e..

fg: ah! alam ko!

gma: ano na namang kabobohan naisip mo?

fg: kunwari, magpaparenovate sila ng bahay!

gma: oo nga, maski obob ka pwede yang ideya mo!

abalos: eh, madam, nasubukan ko nang maging dukha, paano siya makakakuha ng 500k?

gma: dapat manggaling sa iba yun..

fg: galing kamag-anak?

gma: tama! kunwari bibili ng auto…

abalos: wag yun madam, luho yun e.

gma: pang-grocery?

abalos: hindi po kaparehas ng budget ninyo ang kina gaite, madam.

gma, punyeta, eh ano?

abalos: wat if, madam, kunwari, nanghiram si manny ng 500k sa tiyo niya, kunwari pamparenovate ng bahay nila, tapos si jun nagtext kay manny na giniginaw siya, tapos akala ni manny nasa london si jun kaya nilakihan yung binigay na pera, tapos… kaya lang siya pinahiram ni manny ng pera ay dahil… he has a good heart!

gma: wagi ang plano mo!!!

fg: oo, busilak naman ang mga puso ng mga taga-pamahalaan diba?

welcum to the land of the absurd

 

apat na tula sa pagwawakas ng pag-ibig Pebrero 24, 2008

Isinalansan sa: pag-ibig, salin, tula — gingmaganda @ 8:34 hapon

Elegy

Naglalakad akong nakatingala sa langit
at nadapa’t tumama ang ilong sa sahig.
Ngayon, nagdurugo ang buo kong katawan.
Ang aking mga tuhod, ang hangin, aking mga alaala.
Napunit ang aking palda,
at nawala ko ang aking mga hikaw, ang aking katinuan.

May mahahanap ba sa diwa
na ibang paraan
upang isabuhay ang pagwawakas ng pag-ibig?

Oda sa Pag-Ibig

Sa isang hapong hindi mo malilimutan
darating siya sa iyong bahay at uupo sa hapag-kainan.
Unti-unti, magkakaroon siya ng pwesto sa bawat kwarto,
at sa mga pader at kasangkapa’y mag-iiwan siya ng bakas,
pati ang iyong kama’y kanyang guguluhin, at gagawa ang ulo niya ng uka sa iyong unan.
Ang mga libro sa lalagyan, ang mahahalagang pakiramdam ng mga taon
ay magkakaroon ng bagong sisidlan ayon sa kanyang panlasa,
at ang mga lumang larawan, malilipat mula dito papunta doon.
Titingnan ng ibang mga mata ang iyong mga gawain,
ang iyong pagparoo’t parito sa pagitan ng mga dingding at yakap,
at ang pang-araw araw na ingay at amoy ay mag-iiba.
Sa isa sa mga hapong ito na ‘di mo malilumutan
siya na gumulo sa iyong bahay at tumira sa iyong mga bagay-bagay
ay lalabas sa pintuan nang hindi man lamang nagpapaalam.
At kailangan mo na naman ayusin ang iyong bahay,
ibabalik ang mga kasangkapan sa dating ayos, lilinisin ang mga pader,
papalitan ang susian, pupunitin ang mga bagong larawan,
wawalisin ang lahat para lamang maipagpatuloy ang sarili mong buhay.

Dasal

Wala nang bukang-liwayway o pamahiin,
wala nang liwanag, wala nang trabaho, wala nang mga dagli.
Lupa lamang, lupa sa mata,
lupa sa gitna ng bibig at ng mga tainga;
lupa sa dinurog na dibdib;
lupa sa loob ng natuyong simura;
lupang idiniin sa ilalim ng likuran,
bumabagtas sa nakapinid na mga binti, lupa;
lupa sa pagitan ng mga kamay na nakadantay doon.
Lupa at pagkalimot.

Kung ikaw ay madulas

Kung madulas pa ulit ang iyong paa,
puputulin na ito.

Kung dadalhin ka ng iyong kamay
tungo sa ibang landas,
mabubulok ito.

Kung kukunin mo ang iyong buhay mula sa akin
mamamatay ka
maski patuloy ka pang nabubuhay.

Magpapatuloy kang patay o nagmumulto,
naglalakad nang hindi ako kasama sa mundo.

syempre dapat lahat ng salin may tema, ahehehe.

salin ng “Elegy”, “Ode to Love” at “Prayer” ni Maria Mercedes Carranza at “The Slip” ni Pablo Neruda

 

it’s a sad sad situation Pebrero 22, 2008

Isinalansan sa: anti-gma — gingmaganda @ 2:37 hapon

i’m sad kasi wala ako sa UP ngayon, where i should be taking photos of the rally. bawal muna ako lumabas pag gabi due to hamog and kasi di pa gumagaling ubo ko. but going to that rally would’ve been really nice, although mataas ang cynicism level ko dito given that i think GMA is a psycho and no amount of rallies will persuade her to step down. it is of my opinion that we would have to physically remove her from malakanyang, throw her in the river and when she drowns, poke her repeatedly with a trident to make sure she’s really dead… or at least, disabled. i dunno. para kasi siyang naka-super glue sa pwesto at mukhang ikamamatay naman niya ang pagreresign. howell. i’ve heard from a reliable source that she takes sleeping pills and anti-depressants. she’s on the brink, that one. god help her. god save us.

at madam president, kung binabasa mo man ito ngayon, maawa ka na sa taongbayan. kailangan na ng pilipinas ng malawakang overhaul.

 

we are a family of people punchers Pebrero 12, 2008

Isinalansan sa: kababaihan, kalunsuran, manggagawa, ofw — gingmaganda @ 2:38 hapon

dumating na yung tito at tita ko galing sa qatar. unang nagtrabaho dun ang tito ko dati pa pero nagkaroon ng sakit sa puso at natriple bypass kaya kailangan sumunod ng tita ko para alagaan siya. nagtratrabaho na si tita ngayon sa canteen ng US Air Force Base sa Qatar, bilang ice cream server. enjoy na enjoy siya sa trabaho niya. after decades of being a stay-at-home mum (well naging kahera naman siya ng juetengan sa abra pero mas enjoy siya dito ngayon dahil labs na labs siya ng mga kano) ay tuwang-tuwa ako sa kanya pag kinekwento niya yung mga ginagawa niya sa trabaho. ang cute din ng mga litrato niya sa canteen. mukhang happy na happy at di tumanda.

sabi niya, dati daw nasa ibang canteen siya sa loob ng base kaso inilipat daw siya sa air force kasi nanuntok siya ng katrabaho niyang babae dun sa canteen. nagkabadtripan daw sila. nasuspend siya ng ilang araw tapos inilipat sa ice cream station sa kabilang canteen. kaya mas gumaan ang buhay niya. ang dami din daw niyang excellence awards. kaso di nga daw siya ma-awardan ng model employee kasi nga nanuntok siya ng katrabaho, haha. pero aliw na aliw talaga ako sa tita ko kasi feel na feel na talaga na empowered na empowered siya in her own little world dun sa base. yung sweldo na niya ang pinadadala niya sa probinsiya para pantustos sa mga pinsan ko. natutuwa siya sa responsibility at sa halaga ng kanyang mga efforts. pero sabi niya minsan nakakapagod din naman talaga, lalo ngayon na malamig dun. mga alas tres daw ng umaga siya gigising, susunduin ng shuttle ng mga 4am, tapos gabi na daw nakakauwi. pag daw pagod na siya sa trabaho, hindi na daw niya nilalabas yung Cookies and Cream dun sa serving area- paborito daw kasi yun ng mga kano, eh kung may ganun, mapapagod daw siya kakascoop forever.

sabi ng tita ko, na asawa niya, na dating tibak, narito na naman daw ang irony ng buhay ng mga pinoy sa qatar. yung mga pinoy daw dun sa qatar, gustong gusto magtrabaho sa base para sana makapag-asawa ng puti. tinitingnan ko yung mga litrato ng mga tita ko kasama yung mga kanong sundalo, ang gagwapo, puro tisoy, ang kikisig, ang lalaki ng katawan. mens in uniform! mahirap iwasang hindi mangarap na ang mga live na GI Joe na ito ang sasagip sa kapalaran mo- ang magdadala sa’yo sa mas magandang buhay, ang tutustos sa mga pinapaaral mong kamag-anak sa pilipinas, magpapadala ng pambili ng gamot ng tatay mong maysakit, ang magmamahal sa’yo ng walang kondisyon panghabang-buhay.

kapag sa base ka dun nagtratrabaho, mas mataas daw tingin sa’yo dun, kumpara kung DH ka lang. iyon na naman ang bagong pangarap ng mga pinay dun. parang sweepstakes siguro, baka sakaling bumuti ang kapalaran kapag sa base nakapagtrabaho, flashback ng Top Gun at ang leading man na kamukha ni tom cruise. pero kadalasan daw gegerlprenin lang sila dun tapos pagbalik sa merika, iiwanan naman din sila. sagana din daw sila ng pagkain sa base. maski di naman daw kataasan ang sweldo at least nakakakuha sila ng libreng pagkain na stateside. andami nga namin chocolate sa ref ngayon e, courtesy of uncle sam.

nung naghahagikgikan kami tungkol dun sa suntukan incident, sabi ko, “ayy! ako rin nanuntok ng kaklase, hahah! nagbati naman kami pero ngayon di na kami ulit nag-uusap, hehe, nagalit kasi sa akin.” sabi ng tatay ko, eh mga suntukero pala kayo! sabi naman ng tito ko, “nakabuti naman yung panununtok niya kasi nalipat siya sa mas masayang trabaho.” tapos tawa na naman kami ng tawa. yung isa ko ngang tita dati, nung high school graduation niya, sa asar niya na hindi si lolo yung umakyat sa stage, sinuntok niya yung tiyan ng isa ko pang tita- na kasalukuyang anim na buwang buntis. hahaha. maski nanay ko pag asar na asar sa tatay ko bigla na lang nanununtok. sabi nga nung isang kaibigan ko sa capiz, “jusko ging, ang tatapang niyo pala.”

kanina, pinuntahan pala kami ng barangay tanod sa bahay. nanabunot kasi yung kasama namin sa bahay ng kapitbahay. in fairness puro kalmot din yung ate namin. pumunta sila ni nanay sa barangay hall para makipag-usap at makipag-ayos dun sa kapitbahay na nagreklamo. maayos naman daw ang nangyari dun sabi ng nanay ko. pero nung sinabi niyang taga-abra kami eh medyo napa-atras daw yung mga tanod. natawa ang nanay ko nung kinekwento niya sa akin yun nung pag-uwi niya dito sa bahay. sabi niya, “pwede na pala ipagmalaki na taga-abra ka ngayon?” sabi ko, “kakatakutan ka ng mga tao? feeling nila lahat ng tao sa abra may baril at walang-habas magpatumba ng kahit sino? haha!” natatawa ako sa ganitong notoriety pero minsang andun ako nakasahan din ako ng baril ng goons nung isang politiko. sabi ko dun sa goons, may ate ako sa Gabriela, ‘wag niya akong simulan, siya rin ang mahihirapan.

pero maski may mga baril ang mga pinsan ko, yung mga babae sa pamilya namin, di na kailangan ng baril. pag di nadaan sa bungangaan, ayan ang kamay, nagiging kamao, at bahala na kung ano’ng tamaan.