nabasa ko ang iyong mga tula kagabi.
uyyy, inlab! bibiruin ko sana siya. pero nahihirapan akong gawain. di ko siya mabiro ng, “miss mo na ba ako?”. hindi na siya maaaring gawing biro.
gusto kong malaman kung sa mga panahong inisip ko siya, umaga tanghali, gabi, tulog o gising, nananaginip man o hindi, ay iniisip rin ba niya ako? at paano kung ang sagot ay hindi? pagod na akong magtampo.
kaya, nung tumawag siya upang mangamusta, ito lang ang nasabi ko:
“sa tanang buhay ko, ngayon lang tinubuan ng tatlong malalaking tighiyawat ang mukha ko.”
***
nagyosi tayo kagabi habang nag-aantay ng jip.
kako, “pakiramdam ko’y hindi na ako makakapag-asawa kahit kailan.” tumawa siya.
dumating na yung Katipunan. tumawid na ako’t iniwan ang kanyang mukhang natatakpan ng bahagya ng kapal ng usok ng kanyang paubos na Marlboro.
***
inaantay namin magprint ng kwento ang epson.
maaari ba kitang halikan? sabi niya.
“sige.” sabi ko.
pinasok niya ang kanyang dila sa aking bibig. pinaikot ko ang dila ko sa dulo nito. nalasahan ko ang usok ng kanyang sigarilyo sa kanyang mga labi. dumilat ako ng bahagya, siya ay nakapikit.
bumitaw ako.
“salamat.” sabi niya.
nagjam ang papel sa printer.
***
nasilip ko ang tastas sa kilikili ng kanyang kamiseta. mahusay akong magsulsi.
“tastas ang iyong kamiseta.”
“oo.”
bagong paligo siya ng mga sandaling iyon. kung lalake ako, tinigasan na ako. sayang, ako ang naging babae.
iniwan ko siya sa sopa, nanonood ng TV. pumasok ako sa banyo.
huminga ako ng malalim, at inamoy ang mga haligi. mabango. citrus fresh.
baka pwedeng dito na lang muna ako sa loob.
***
“matagal akong nakatulog. isang oras pa siguro bago ako naidlip.”
paano, inisip kasi kita. nakagat mo rin ba ang iyong dila?
***
“mahal na kita.” nakainom na ako nun.
“dati pa kitang minamahal.” wala siyang ininom.
“salamat.” sinok.
“ano na’ng gagawin natin?”
“wala, sulatan mo lang ako ng maraming-maraming tula.”
“ikaw ang pag-ibig, pero ang aking mga berso’y para sa bayan.”
“narinig ko na ‘yan.” kuha ng yelo lagay sa baso.
at umalis siya ng walang paalam. hindi ko na rin hinabol.
***
nagpunta ako sa computer, binuksan ang kanyang blog. “uyyy, inlab.” gusto ko sana siyang biruin, pero hindi ko magawa.