pinatay ko na yung facebook ko. hindi ko alam kung mali lang ang set of friends ko pero tuwing magtitingin ako ng newsfeed e parang may contest. halos tangayin ako ng hangin sa mga nagpapasikat o lumutang sa kababawan ng mga status updates ng ka-facebook ko. kahit iyong mga dati kong kaibigang humble naman e parang biglang nagsiyabangan na. lumalabas talaga ang tunay na kulay ng mga tao kapag bumanat na sa facebook. di kaya ng powers ko ang mga tao. man is a social animal talaga. especially in social networks- hayop sa pabonggahan!
pero seryoso, di ko na trip itong facebook na ‘to. nakakaasar na. parang ang sumatutal ng buhay mo, ang kahulugan ng pag-iral mo at ang overall worth mo parang facebook na lang ang naging sukatan. ayaw ko nang ganyan, yung narereduce na lang ng isang website ang halaga mo sa mundo. sa kakausyoso ko ng buhay ng iba minsan nakakalimutan ko na rin kung sino nga ba ako sa labas ng 30-years-old kong mukha at katawan, sa mga lugar kong napuntahan o sa may paki talaga sa akin para i-like at komentuhan ang mga pinaglalalagay ko sa facebook ko. parang dun na lang ako nagkaroon ng saysay sa mundo, at iyong mahahalaga- natabunan na ng kung anong mga petty na bagay. at ano nga ba ang mahalaga? iyong mabubuting relasyon sa mga kaibigan at pamilya, iyong magkaroon ng fulfilling na trabaho, iyong alam mo sa sarili mong nag-iisip ka at may depth kang klase ng tao at hindi lang kung sinong basta-basta lang. nakakabobo na ang facebook kadalasan, nakakalimutan ko ngang matalino pala ako. nakakahawa kasi iyong mga contacts kong ewan. haha, joke.
may isa pa akong facebook account, iyong kay gooey, para sa general public. kadalasan kasi ako ang kumukuha ng mga litrato sa mga kung ano-ano, at kadalasan ipapapost sa facebook. dun ko na lang nilalagay para di na nauurirat iyong sarili kong facebook. naloka ako minsan may inupload akong album tapos may nakatag ba naman na lalake sa mukha ko. tinag ng kapitbahay ko yung mukha ko sa kapatid niyang lalakeng single. kilabutan naman oo.
so anyway, may kaklase si kaloy, inadd si gooey. at ako namang pakialamera, binuriri ko naman ang profile nung kaklase niya. kilala ko ang batang ito simula nang lumipat si kaloy sa skwelang iyon dahil malapit na kaibigan niya iyon. tatlo silang magkakaibigan, si kaloy, iyong si andre, at itong si allysa. naiinis sila kay allysa kasi iyakin daw kaya inaapi din nila at pinagtutulungan. kako wag ganun. dapat ang babae, pinagtatanggol. haha, ang sexist ko.
sinilip ko ang profile ni allysa at bukod sa nakapunta na siya ng hongkong disneyland (gaya ng halos lahat ng mga kaklase ni kaloy) e nadiskubre ko ring hindi pala kasal ang nanay at tatay niya. nasa hongkong ang nanay niya, nagtratrabaho bilang make-up artist. iyong tatay niya, may asawang iba ata. last week mukhang nag-abroad na rin yung ama, sa canada naman. di ko na alam ngayon kung sino nang nag-aalaga kay allysa pero mukhang nasa pamilya nung ama niya. nakasunod ang apelyido ni allysa sa nanay niya. parang kami ni kaloy. ganun kasi ang batas nung time na ipinanganak ang mga anak namin.
pag tinitignan ko ang wall ni allysa, lagi’t laging may message ang nanay niya dun. “lol! I just spoke to you. I miss you more! Love u!!!!” naka-blackberry ang nanay niya, alam ko yun dahil puros logo na ng blackberry ang nasa wall ni allysa kung minsan. minsan naman, nagstatus si allysa ng “wala akong ka-chat” sumagot ang nanay niya ng “you should have told mama. We can always chat, Pie. love you!!!!”, tamang ganun. minsan, sa mga kaklase na lang siya nakikibalita kung offline pa yung anak niya. ewan, naawa lang ako sa nanay niya. parang naramdaman ko yung pagkasabik niya sa anak niya at yung helplessness na nasa malayo ka at di mo makasama yung anak mo at kahit nakablackberry ka pa at ang bongga ng hitsura mo (ikaw na ang make-up artist!) e di ka pa rin makateleport papunta sa pamilya mo. iyong mga ganyan ba. ganyan yung nanay ni allysa, parang multo na nakatambay sa wall ng anak niya. maya’t maya’y may iniiwan na message. doon na lang ipinagkakasya ang sarili. sa facebook na lang nagpapakananay. nalungkot ako para sa kanilang mag-ina.
nung isang buwan ata, natuwang nag-facebook status si kaloy dahil napili siyang irepresent ang skwela nila sa interschool academic competition para sa science. ang gulat ko nang mabasa kong binara siya nung isa niyang kaklaseng babae. ang labo, bitter much, teh? kako sa sarili ko, ano ba ‘tong mga batang ito ang liliit pa e ang bitchy na. at dahil last year e pta officer ako, kilala ko na ang mga bata at ang mga nanay nila. sa klase nila kaloy, kilala ko ang mga kabarkada ng bitchy na batang ito. hay nako, alam mo na rin kahit bata pa lang kung sino yung mga lalaki at magiging mean girls. ayun na nga sila, isang barkada ng mga magaganda at mapopormang bata at galing sa mga mapeperang pamilya (yung isa dun, nagdadala ng dslr pag may mga event sa skwela. siya na!). syempre, hindi nila barkada si allysa.
tuwing nakikita ko si allysa sa skwela, halos cut and paste lang naman ang hitsura niya: magulong buhok na parang binagyo, pawisang mukha, tabinging salamin sa mukha, at nakabukas na nguso, nakadisplay ang overbite. syempre lukot-lukot ang damit at ang boses, malalim, parang batang lalake. ganyan si allysa. lalo tuloy ako nalungkot para sa nanay niya na nagtratrabahong make-up artist sa ibang bansa (at siya mismo, bongga- mahaba ang naka-dye na hair, fasyon na damit, sexy na aura) ay di maayusan ang unica hija niya. nung nagsayaw nga sila last week, halos lahat nung mga bata ay naka-semi pekpek shorts at cute na knee-high socks na may stripes na iba-iba ang kulay. si allysa, naka-puruntong at mala-samboy lim na medyas bukod sa magulong buhok etc. ang luwag pa ng t-shirt, hindi naka-fitted tee. kung ako ang may anak na babae aayusan ko yun. maski hindi girly basta pagmumukhain kong astig. si kaloy nga e, kailangan ang mga damit at sapatos at mga gamit, dapat maayos. lagi kong hirit diyan, “o ayan, mukha ka nang anak ni stanley ruiz!”. ‘yan ang pangalan ng tatay niya at maarte din yun. maganda ang taste sa mga bagay-bagay at astig ang tingin sa sarili. si allysa lang ang naiiba sa mga kaklase niyang babae, hay naku. actually, sa tingin ko, sila nila kaloy ang mga nerd sa klase e. ang gigeek kasi nila pag naririnig ko sila mag-usap nila allysa. iyong mga ibang bata ang nonormal ng mga topics e. tipikal lang ba.
sabi ko sa sarili ko, nako, subukan pang tarayan ulit ng mga batang ito si kaloy e baka hindi nila alam kung sinong nanay ni kaloy a! baka pag nakita nila ako e kainin ko sila magulat sila na ako pala ang nanay ni kaloy, at hindi kung sinong manang na losyang. kahit ihilera pa nila lahat ng nanay nila e mas maganda ako sa kanilang lahat. haha ang yabang ko. pero naisip ko yung nanay ni allysa e kabog ako doon. bukod sa di ako marunong maglagay ng eyeliner e hindi pa rin ako nakakarating ng hongkong, haha. buti na lang kaibigan ni kaloy si allysa kaya di ko siya makakalaban sa contest ng pagandahan ng nanay. hehe. naalala ko tuloy yung kwento sa akin ng kapitbahay ko, umattend daw siya ng children’s party, nung bring me daw, ang pinapadala e yung pinakamagandang nanay. ang dinala ng bata e yung nanay ng kaklase niya. nung hinanap ang sarili niyang nanay, tinuro naman, ayun nakaupo sa bandang harap. hagalpakan ang mga tao.
kwento ng adviser sa akin ni kaloy nung kuhaan ng card, minsan daw napaiyak ni kaloy at andre si allysa. paano drinowing daw nung dalawang bugoy si allysa na tinotorture. medyo nahihiyang natawa pa nga yung teacher kasi actually nakakatawa daw yung drowing pero dahil umiyak si allysa pinagalitan daw niya yung dalawa. at ito pa kasi ang problema ng klase kay allysa- sobrang iyakin daw. maski ano lang daw, iniiyakan. pag-uwi ko sa bahay kinausap ko tuloy si kaloy. kako wag naman nila apihin si allysa kasi malayo nga siya sa nanay niya, etc etc. sabi niya di daw niya alam yun. so ibig sabihin nito ang stalker ko talaga, hrhrhr.
medyo hinahanap na ako ng mga tao sa facebook. may mga nagtetext sa akin at nagmemessage sa ibang accounts kung blinock ko daw ba sila o ano. kapag ine-explain ko sa kanila yung aking seryosong eksplanasyon e hindi nila ako maintindihan. di ko tuloy alam kung ano lang ang nakakaranas nito o masyado ko lang ino-overanalyze ang mga bagay-bagay. may isa pang nag-akusa sa akin na brokenhearted daw ako kaya ako nagpatay ng facebook. sabi ko for that to happen dapat may puso muna ako, haha. malapit na bertdey ko, naoobliga ako buhayin ang account ko para lang malaman kung sinong may care na batiin man lang ako. pero sa ngayon enjoy ako sobra na wala ako sa facebook. parang virtual na suicide, ang sarap burahin ng sarili sa mundo.
pero, para siguro sa mga taong kagaya ng nanay ni allysa, hindi pwedeng mawalan ng facebook. malamang, para sa kanya na isang facebook nanay, titigil ang mundo niya kung mawala ang facebook. hindi ko naman siya masisi.